The Sisters (2011)


Ipinapakilala ng TV5 ang isa na namang dramaseryeng magtatampok ng kaabang-abang na istoryang paniguradong tututukan ng mga manonood tuwing gabi. Simula ngayong Lunes, Hulyo 18, ang panonood ng primetime ay mas pagiigtingin ng intense drama at naiibang mga karakter sa kauna-unahang TV adaptation ng classic Pinoy comics na Rod’s Santiago’s The Sisters.


Pinangungunahan ng pinakabagong Kapatid star at ang tinaguriang prime actress ng kanyang henerasyon, si Nadine Samonte sa kanyang challenging dual role, ang Rod Santiago’s The Sisters ay nagtataglay ng naiibang istorya ng kambal na sina Cristina at Bella Santiago at ang kani-kanilang desisyong susubok sa relasyon nila bilang magkapatid.

Magkamukha man ang dalawa sa kanilang pisikal na anyo, sila ay may angkin ding pagkakaiba na siyang magdidikta ng kanilang kapalaran. Sina Cristina at Bella ay mahuhulog din sa mga patibong na inihanda ng kanilang mapagpanggap na tiyahing si Socorro (Rio Locsin), na hindi mapipigilan sa paghihiganti sa kambal at sa kanilang pamilya.

Ibinabalik din ng pinakabagong primetime series na ito ang isa sa pinakamagaling actor na natunghayan sa pelikula at telebisyon, si Leandro Munoz. Gaganap na kababata ng kambal, ang kanyang karakter bilang si Rafael ay maiipit sa isang kumplikadong love triangle na makakaapekto sa relasyon ng magkapatid.

Sa ilalim ng di mapantayang direksyon ni Bb. Joyce Bernal at Argel Joseph, ang Rod Santiago’s The Sisters ay nagtatampok ng powerhouse cast na kinabibilangan nina Eddie Garcia, Alicia Alonzo, Zoren Legaspi, Lotlot De Leon, Susan Africa, Edgar Allan Guzman, Rocky Gutierrez, Alyana Asistio, James Blanco, Wendell Ramos at ipinakikilala sina Eula Caballero at Victor Silayan.

Inihahandog din ang napakahusay na pagsasalin ng kantang “Hiram” na kinanta ni Faith Cuneta kasama ang Philharmonic Orchestra at Gerald Salonga bilang theme song ng dramaserye.

Huwag palalagpasin ang pagbubukas sa telebisyon ng isang napakagandang kuwentong tatatak sa puso ng bawat manonood. Simula ngayong Hulyo 18, mapapanood na ang Rod Santiago’s The Sisters mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Bangis sa TV5.

No comments:

Post a Comment