Sa pagtatapos ng Pebrero, handog ng GMA ang isang kuwento tungkol sa payak na pag-ibig na lilinlangin ng medical technology.
Tungkol sa dalawang babaeng nakapaloob sa mundo ng beauty at cosmetic industry ang My Lover, My Wife. Ang isa ay salat sa maraming bagay samantalang nakakamit naman ng isa ang lahat ng ibig niya.
Mag-uumpisa ang istorya nang umibig si Vivian kay Arthur na isang medical student. Halos perpekto ang kanilang relasyon hanggang sa umalis si Arthur para mag-aral sa ibang bansa at tuluyang nakalimot kay Vivian. Bagama’t labis na nasaktan, mahal pa rin ni Vivian ang binata.
Matapos magkolehiyo, nagtrabaho si Vivian sa isang medical company na kilala sa cosmetic surgery. Doon, muli niyang makikita si Arthur at aasahang magkakabalikan sila ngunut mabibigo siya nang malaman niyang kasal na ito kay April. Pipilitin niyang limutin ang sakit na nadarama at agad na mahuhulog ang loob sa medical representative na si Lawrence.
Magpapakasal sina Vivian ant Lawrence subalit malalaman ng lalaking panakip-butas lamang siya. Pagmamalupitan niya si Vivian at pasasakitan sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan kina Arthur at April. Si Vivian naman ay magtitiis alang-alang sa kanilang anak.
Samantala, mahuhuli ni Arthur na nangangaliwa si April at hindi sinasadyang masasangkot siya sa pagkamatay ng lalaki nito. Pipilitin siya ni April na huwag sumuko sa pulis dahil takot itong masira ang reputasyon kapag nabunyag ang buong pangyayari.
Sa kanyang pagtakas, maaaksidente si Arthur kasama si Lawrence at ito ang ikamamatay ng huli. Makakaligtas naman si Arthur subalit labis na nasunog ang mukha nito. Nagkamalay na lamang itong taglay ang mukha ni Lawrence dahil inoperahan siya ni April.
Paano na ngayong angkin na ng pinakamamahal ni Vivian ang katauhan ng malupit niyang asawa? Makikilala kaya niya ito sa kabila ng mukhang nagtatago sa tunay nitong pagkatao? Sino kina Vivian at April ang karapat-dapat tawaging asawa ni Arthur na ngayon ay si Lawrence na?
Magsisimula ang My Lover, My Wife sa February 28 pagkatapos ng Nita Negrita sa GMA Dramarama sa Hapon.
0 comments:
Post a Comment